Mahigpit na sinubaybayan at nagsagawa ng shadowing ang Chinese Coast Guard sa research vessel ng Pilipinas na BRP H Ventura at sa barko ng Philippine Coast Guard na BRP Gabriela Silang habang patungo sa Bajo de Masinloc nitong nakalipas lamang na umaga ng Linggo, Abril 14.
Ibinunyag ni Ray Powell, dating US Air Force official at dating Defense Attaché ang naturang impormasyon sa kaniyang online account.
Aniya, tumigil ang mga barko ng PH ng tinatayang 8 oras, 35 nautical miles mula sa coastline ng Luzon, lugar na malapit na sa saklaw ng iginigiit na nine-dash line ng China.
Hinarangan aniya ng China Coast Guard 5303 ang daraanan ng BRP H Ventura at escort nitong BRP Gabriela Silang na marating ang nakatalagang hydrographic research area sa hilagang bahagi ng Scarborough shoal at halos hindi gumagalaw sa nakalipas na 8 oras.
Hindi naman malinaw ang matagal na pagtigil ng mga barko ng PH sa lugar subalit dakong 10am ay ipinagpatuloy na ng mga ito ang paglalayag patungo sa Bajo de Masinloc habang mahigpit na nakasunod naman ang Chinese Coast Guard vessels.
Sinabi rin ng American maritime expert na kaniyang naobserbahan ang kapansin-pansing pagdami ng mga barko ng China malapit sa shoal sa nakalipas na 48 oras.
Posible aniya na maiuugnay ito sa hydrographic survey announcement ng PH kabilang ang mapping ng underwater terrain features.
Nakatakda kasing magsagawa ang BRP H Ventura ng hydrographic survey sa hilagang bahagi ng Bajo de Masinloc na i-eskortan ng BRP Sierra Madre.