Sa ikaapat na pagkakataon muling maghahain ng diplomatic protest ang pamahalaan ng Pilipinas sa China.
Ito ang tugon ni Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin Jr. matapos kwestyunin ng Department of National Defense ang presensya ng research vessels ng China sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
“Okay, got it, General. @DFAPHL firing off diplomatic protest,” ani Locsin.
Kung maalala, una ng naghain ng protesta ang estado matapos ang insidente sa Recto Bank noong Hunyo.
Humingi rin ng paliwanag ang Pilipinas nang lumabas ang ulat hinggil sa pagdagsa ng Chinese vessels sa Pag-asa Island, gayundin ang pagtawid ng warship vessels sa karagatan ng Tawi-Tawi.
Ayon kay Defense Sec. Lorenzana, kailangang malaman ng ibang estado ang ginagawang aktibidad ng China sa naturang karagatan.
Hindi naman daw dapat maging issue ang pagsasaliksik na ginagawa ng Beijing, pero karapatan din ng Pilipinas na malaman ang aktibidad na gagawin ng ibang estado sa teritoryo nito.
Batay sa Twitter post ni Prof. Ryan Martinson ng Naval War College sa China Maritime Studies Institute, simula noong August 3 ay nago-operate ang Zhanjian at Dong Fang Hong 3 survey ships sa loob ng EEZ ng Pilipinas.
“Add the Dong Fang Hong 3 to the list of Chinese survey ships operating in the Philippines exclusive economic zone today. Would require Manila’s permission to conduct research there.”
Sa kabila nito, hihintayin pa rin daw ni Locsin ang pormal na rekomendasyon ng militar kaugnay ng paghahain ng panibagong protesta sa China.
“But again I wait for the Army to tell me before firing a diplomatic response because civilians lie by nature especially when they’re job is telling the news which is easier made up than found and laboriously reported.”