-- Advertisements --

Bumaba ang reserbang dolyar ng Pilipinas sa pagtatapos ng buwan ng Marso 2025.

Sa inilabas na preliminary data ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), lumalabas na ang gross international reserves (GIR) ay bahagyang bumaba sa $106.2 billion mula sa $107.4 billion na naitala noong Pebrero ngayong taon.

Ang GIR ay tumutukoy sa mga foreign assets na nasa pamamahala o kontrol ng BSP na karamihan ay bilang foreign investments, gold at foreign exchange.

Nakikitang pangunahing dahilan ng pagbaba ng GIR level noong Marso ang drawdown o pagbaba ng halaga ng foreign currency deposits ng gobyerno sa central bank para matugunan ang panlabas na utang at ang net foreign exchange operations ng BSP.

Sa kabila ng pagbaba, sinabi ng BSP na ang bagong GIR ay nagpapakita ng malakas na external liquidity buffer na katumbas ng 7.3 months na halaga ng goods imports at pagbabayad ng mga serbisyo at primary income.

Saklaw din nito ang 3.7 times ng short-term external debt ng bansa base sa residual maturity.

Nakikita namang sasapat ang GIR kung kaya nitong bayaran ang tatlong buwang halaga ng imports ng goods ng bansa at mabayaran ang mga serbisyo at primary income.