KALIBO, Aklan – Nahaharap sa mga kaukulang kaso ang isang reservist ng Philippine Army matapos na manutok ng baril sa presidente ng Liga ng mga Barangay kasunod ng gitgitan sa daan sa Kalibo International Airport.
Kinilala ang suspek na si Armando Dumangon, residente ng Maayon, Capiz at bodyguard ni Publishers Association of the Philippines, chairman emeritus Johnny Dayang.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Kalibo PNP, papalabas na umano ng parking area ng paliparan ang sasakyan ni Punong Barangay Ronald Marte kasama ang kanyang buong pamilya ng bigla na lamang silang harangin ng suspek.
Kaugnay nito, kaagad na tinanong ng kapitan ang Philippine Army reservist ngunit imbes na sumagot ng mahinanon ay pinagsalitaan siya nito ng masama kasabay ang pagtutok ng baril sa kanya.
Dito na umano inalarma ng kapitan ang mga security guard ng paliparan ngunit hindi na nahabol ang suspek dahil mabilis nitong pinaharurot ang minamanehong sasakyan.
Samantala, sa follow-up operation ng pulisya, naaresto si Dumangon sa isang hotel habang nagkakape kasama ang kanyang amo.
Narekober sa loob ng sasakyan ang isang .45 cal. pistol na armas na siyang ginamit ng suspek sa panunutok nito sa kapitan.
Sa ngayon ay nakakulong na sa Kalibo Police Station ang suspek habang ang insidente ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya.