-- Advertisements --

Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na ang pag-reset ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng power distribution rate para sa mga pangunahing distribution utilities (DU), tulad ng Meralco, ay maaaring humantong sa mas mataas na refund para sa mga konsyumer. 

Karaniwang ginagawa ang rate reset kada limang taon upang suriin ang gastos ng kumpanya at tiyaking makatuwiran ang singil sa mga konsyumer. 

Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod na rin ng pag-estima ng Meralco na ang pagkumpleto ng ERC ng 5th regulatory reset nito na sumasaklaw sa mga taong 2022 hanggang 2026 ay maaaring magresulta sa refund na P16 bilyon para sa mga konsyumer. 

Ipinunto ng senador na ang weighted average cost of capital (WACC) ng Meralco, na isang input sa pagtatakda ng distribution rate, ay hindi na nagbago mula pa noong 2015. Ang kasalukuyang WACC para sa Meralco ay 14.97%. 

Mahalaga ang WACC dahil ito ang batayan ng regulasyon para sa tamang kita ng kumpanya habang pinapangalagaan ang interes ng mga konsyumer. 

Ginagamit ito para matukoy kung gaano kababa o kataas ang halaga ng returns na kailangan ng Meralco upang maging matatag at makapaghatid ng serbisyo sa kuryente. 

Idinagdag ng mambabatas na dapat tugunan ng ERC ang pagkaantala sa pagsasagawa ng mga regulatory review sa mga industry player sa sektor ng enerhiya.