BACOLOD CITY – Dalawang pinaniniwalaang dating miyembro ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) ang patay habang tatlo ang sugatan matapos nilusob ng sinasabing mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kanilang resettlement site sa lungsod ng Kabankalan, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay P/Lt. Col. Jonel Guadalupe, hepe ng Kabankalan City Police Station, natutulog ang mga RPA members nang hinarass ng NPA ang kanilang tinitirhan sa Sitio Mambinay, Barangay Locotan, dakong ala-1:00 ng madaling-araw.
Walang habas na binaril ng mga suspek ang mga biktima na nagresulta sa kanilang pagkamatay.
Hindi pa natutukoy ang pangalan ng mga biktima ngunit pareho umanong mga lalaki ang mga nasawi.
Isa sa mga sugatan ay dinala sa Lorenzo Zayco District Hospital sa Kabankalan habang ginagamot naman sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital ang dalawa.
Ayon kay Guadalupe, tinutukoy pa ang numero ng mga suspek na armado ng mataas na kalibre ng baril.
Nabatid na ang RPA ay military wing ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas na breakaway group ng Communist Party of the Philippines.
Anang hepe, titingnan nila ang listahan ng Office of the Presidential Adviser of the Peace Process (OPAPP) upang matukoy kung totoong miyembro ng RPA-ABB ang mga namatay.
Ang resettlement site ay proyekto ng OPAPP katuwang ang local government unit.