BAGUIO CITY – Iniimbestihagan na ng mga otoridad kung paano naiuwi ng isang botante sa Baguio City ang resibo ng pagboto nito kaninang umaga.
Inamin ng isang guro na miyembro ng electoral board sa isang polling precinct sa Outlook Drive Barangay na walang nakakaalam kung paano ito nangyari.
Napansin aniya na may hawak na resibo ang nasabing botante at sinubukan niyang habulin ito ngunit sa dami ng tao ay hindi na niya nahanap ito.
Samantala, nagkamali ang isang Emergency Accessible Polling Place (EAPP) support staff sa pagbigay ng balota sa isang senior citizen na botante sa Emilio Aguinaldo Elementary School sa Baguio City na nagdulot upang i-hold ng electoral board ang nasabing balota.
Ayon sa EAPP support staff, mali ang nai-abot niyang balota sa senior citizen na dapat sana ay sa kabilang voting precinct manggagaling.
Dinagdag pa niya na hindi niya na-check ang balota lalo na at nalito siya dahil sa dami ng mga botante sa nasabing voting precinct.
Agad naman nila itong itinawag sa COMELEC na agarang nabigyan ng solusyon.
Samantala, inireport ni Mountain Province Provincial Election Supervisor Atty. Ricardo Bulintao ang insidente ng unsynchronized storage device (SD card) sa clustered polling center ng Guinzadan Elementary School sa Guinzadan Sur, Bauko na binubuo ng 10 precincts.
Ini-refer na aniya ang nasabing concern sa National Technical Support Center.
Samantala, nakapagtala naman ang Regional Emergency Monitoring Action Center ng Cordillera PNP ng 35 na kaso ng vote buying sa rehiyon kung saan 25 ay sa Abra, 6 sa Kalinga at tig-2 sa Baguio City at Mountain Province.
Ayon kay P/Maj. Carol Lacuata, information officer ng Cordillera PNP, isa lamang na kaso ng vote buying sa Abra ang under investigation ngayon kung saan isa ang nahuli at P5,000 ang nakumpiska mula dito.