LEGAZPI CITY – Inamin ng kapitan ng Brgy. Bañag, Daraga, Albay na may ilang residente na nakasama sa listahan ng grantees ng Social Amelioration Program na hindi nasa “below poverty line” na kategorya.
Ang natuang barangay ay kabilang sa mga nakatanggap na ng ayuda ng pamahalaan sa gitna ng coronavirus pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Punong Barangay Maximo Maño Jr., na-appreciate nito ang ginawang hakbang ng isang residente na hindi na tinanggap ang tulong at sinabing ibigay na lamang sa mas nangangailangan.
Nabatid sa opisyal na sa mahigit 600 na ibinigay na Social Amelioration Cards, 319 lamang ang ibinalik na listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakatanggap ng tulong.
Subalit hindi pa umano sigurado kung mayroon pang nakasamang 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program), listahanan at iba pang may kaya na hindi na naisama sa listahan.