BAGUIO CITY – Naisampa na ang kasong paglabag sa Anti-Hazing Law, Anti-Torture Act at dereliction of duty laban sa dalawang dating opisyal ng Philippine Military Academy (PMA) dahil sa naging papel ng mga ito sa pag-hazing sa nasawing si Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Jose Adrian Bonifacio, abogado ng Pamilya Dormitorio, sinabi niya na ang isinumite nila kanina sa sala ni Prosecutor Margarita Manalo ng RTC Branch 4, Baguio City ay supplemental complaint affidavit.
Aniya, dinagdag nila sa unang mga kasong isinampa nila sina resigned PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at resigned Commandant of Cadets Brig. Gen. Bartolome Bacarro.
Sinabi niya na ipinangako nila noon na sa oras na makakakuha sila ng ebidensia na magpapatunay sa liability nina Evangelista at Bacarro ay idadagdag nila ang mga ito sa mga kaso.
Ibinatay aniya ang kaso sa imbestigasyon at rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) – Cordillera.
Napatunayan aniya sa mga paper trail at sa testimonya ng mga medical doctors ng akademya na nakarating kina Evangelista at Bacarro ang report ukol sa ginagawang pag-hazing kay Cadet Dormitorio ngunit walang ginawa ang mga ito para matigil ang pagpapahirap sa namatay na kadete.
Inirekomenda din aniya ng mga tactical officers na kasama sa demanda kina Evangelista at Bacarro ang pagpaparusa o pagsuspindi sa mga kadeteng nanakit kay Cadet Dormitorio ngunit walang ginawang aksyon ang mga ito.
Maaalalang nagsagawa ang NBI-Cordillera ng sarili nilang imbestigasyon sa kaso matapos ipag-utos ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Una rito, nagsampa na ang Pamilya Dormitorio ng patong-patong na kaso laban sa pitong kadete na nang-hazing kay Cadet Dormitorio habang sinampahan nila ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law ang mga dating senior tactical officers ng PMA na sina Maj. Rex Bolo at Capt. Jeffrey Batistiana dahil sa pagiging accomplices ng mga ito.