-- Advertisements --

Pinagtibay ng mga joint Committee on Justice at Human Rights sa House of Representatives sa isang magkasanib na pagdinig ngayong Miyerkules, ang House Resolution (HR) 1477, kabilang ang pinagsama-samang mga HRs 1393 at 1482, na humihimok sa pamahalaan ng Pilipinas na makipagtulungan sa Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC), hinggil sa imbestigasyon nito sa anumang krimen laban sa sangkatauhan na ginawa sa Pilipinas.

Binanggit ni Manila Rep. Bienvenido Abante, chairman ng Komite ng Human Rights at may-akda ng HR 1477, kung paanong ang panukala ay: 1) sumasalamin sa pangako ng bansa sa pagtataguyod ng Rule of Law at karapatang pantao; 2) bubuo ng tiwala at kredibilidad ng sistema ng hustisya sa Pilipinas; 3) tinitiyak ang hustisya para sa mahihirap; at 4) hinahadlangan ang pagiging ligtas sa parusa.

Ipinunto ni Solicitor General Menardo Guevarra na ang pakikipagtulungan ng pamahalaan sa ICC ay isang pampulitikang desisyon at tanging ang Pangulo lamang ang makapag desisyon.

Una ng binigyang diin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr na hindi makikipag tulungan ang gobyerno sa ICC.

Ipinaliwanag din ni ni Guevarra na bagama’t hiniling ang imbestigasyon mula sa ICC noong 2021, ipinaalam na ng Pilipinas ang pag-alis nito sa Rome Statute noong Marso 2018, na nagkabisa eksaktong pagkatapos ng isang taon.

Binanggit ng abugado para sa karapatang pantao na si Atty. Neri Javier Colmenares ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Pangilinan vs. Cayetano, na “Withdrawing from the Rome Statute does not discharge a state party form the obligations it has incurred as a member.”

Idinagdag niya na ang panawagan para sa kooperasyon ng ICC ay hindi tungkol sa pag-uusig sa nakaraang administrasyon, ngunit tungkol sa “abiding by our international obligations and international law, and justice for the victims.”

Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), at Philippine National Police (PNP), ang kanilang mga posisyon na susundin nila ang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Tiniyak ni Commission on Human Rights (CHR) Commissioner Faydah Dumarpa ang magkasanib na Komite na ang CHR, bilang isang independiyenteng katawan, ay makikipagtulungan sa ICC kung kinakailangan.

Sumang-ayon ang magkasanib na Komite na makipag-ugnayan sa kanilang mga katuwang sa Senado upang gawing Joint Concurrent Resolution ang panukala.