Nagpahayag ng matinding suporta si dating Senate President Franklin M. Drilon sa isang resolusyong na inihain ni Senadora Risa Hontiveros, na humihimok sa administrasyong Marcos na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Drilon ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa ICC bilang isang paraan upang panindigan ang pangako ng Pilipinas sa pagtataguyod ng karapatang pantao at katarungan.
Dapat aniyang sundin ang ating mga international legal obligations.
Binanggit din ni Drilon ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Pangilinan laban kay Cayetano, kung saan iginiit ng Korte na ang isang withdrawing state ay kinakailangan sundin ang mga obligasyon nito sa ilalim ng ICC Statute, kabilang ang mga financial commitments at pakikipagtulungan sa patuloy na pagsisiyasat at paglilitis.
Magugunitang sinabi rin ni Drilon na may legal authority si Pangulong Marcos na payagan ang Pilipinas na muling sumali sa International Criminal Court (ICC) nang hindi nangangailangan ng pagsang-ayon ng Senado.