VIGAN CITY – Inihahanda na ng ACT-OFW Partylist ang resolusyong ihahain nila sa Kamara para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Middle East dahil sa umiinit na tensiyon sa pagitan ng Iran at Amerika.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni dating ACT-OFW Partylist Rep. John Bertiz na mayroon na umanong on-going coordination ang kaniyang dating partylist sa mga kasamahan nila sa Kongreso hinggil sa nasabing hakbang upang masigurong walang madadamay na Pilipino sa posibleng retaliation sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa pagkamatay ng top Iranian military official sa isinagawang airstrike ng Amerika.
Naniniwala si Bertiz na kailangang paghandaang mabuti ng pamahalaan ang posibleng mandatory repatriation sa mga documented at undocumented Filipino workers sa Middle East.
Maliban pa rito, pinayuhan din ng dating mambabatas ang mga recruitment agency sa bansa na mahigpit na i-monitor ang mga nakadeploy na OFW sa Middle East dahil kung may mangyaring masama sa mga ito na bunga ng kanilang pagpapabaya ai tiyak na mayroon itong katumbas na parusa.