Kinatigan ng UN General Assembly (UNGA) ang resolution na komokondena sa inilunsad na full-scale invasion ng Russia sa Ukraine.
Ito ay kasunod ng ikatlong anibersaryo ng invasion nitong araw ng Lunes, Pebrero 24.
Nasa kabuuang 93 bansa ang pumabor sa resolusyon habang kasama ang Amerika, Russia, Belarus at North Korea sa mga bansang tumutol, 65 naman ang nag-abstain at 18 ang walang boto.
Ang naturang resolution ay binalangkas ng Ukraine at European Union kung saan isinama dito ang termino na pagtawag sa Russia bilang aggressor state at kinalampag din ang Russia na alisin ang kanilang mga tropa mula sa Ukraine.
Nagbasura naman ito sa resolution ng US na naghihikayat din sa pagwawakas ng giyera sa Ukraine subalit nabigo itong isama ang agresyon ng Russia.
Samantala, sa kabila naman ng pagtutol ng US sa naturang resolusyon, pinagtibay ng political at military alliance na North Atlantic Treaty Organization (NATO) ang suporta nito para sa Ukraine.
Sa isang video message, tiniyak ni NATO Secretary General Mark Rutte na ipagpapatuloy ng NATO ang pagsuporta at paninindigan sa Ukraine laban sa ‘brutal war of aggression’ ng Russia para matiyak na mawaksan na ang giyera nang may makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Pinuri din niya ang katapangan at katatagan ng mamamayan ng Ukraine bilang inspirasyon sa buong mundo.