Inihain ni Senator Raffy Tulfo ang isang Senate Resolution na naglalayong imbestigahan ang pagdami ng mga Chinese national sa Multinational village sa Parañaque City.
Sa inihaing Senate Resolution (SR) No. 1043, sinabi ng Senador na patuloy na inirereklamo ng mga residente at may-ari ng bahay sa Multinational village ang pagdami ng mga Chinese sa kanilang komunidad simula pa noong 2019 nang magsimulang lumipat sa kanilang village ang mga Chinese worker na nagtatrabaho sa POGOs.
Ayon din sa Senado, nagmistula ng Chinese territory ang kanilang subdivision.
May duda rin aniya ang mga residente na maaaring may mga POGO nang nag ooperate sa loob ng kanilang village.
Hiniling naman na ng Senador sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force, National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration na imbestigahan ang estado at mga aktibidad ng Chinese nationals sa Multinational Village.
Nangako naman ang nasabing mga ahensiya na agad nila itong aaksyunan.
Una rito, noong Mayo 2 lamang naaresto ang isang grupo kabilang ang 10 Chinese nationals sa loob ng isang bahay sa Multinational village dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Alien Registration Act at Cybercrime Prevention Act.
Kung maaalala nga, noong Marso 2020, nagsagawa na rin ng inquiry ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa kwestyonableng pagdami ng mga Chinese national sa Multinational village subalit naabutan ito ng COVID-19 pandemic.