Inaprubahan na ng House of Representatives sa 3rd and final reading ang ang Resolution of Both Houses no. 6 na nagpapatawag ng “Constitutional Convention” para sa pag-amyenda sa 1987 Constitution o Charter Change.
Sa botong 301-pabor; 6-tutol; at 1-abstain, nanaig ang mga pabor sa pagpasa sa RBH no. 6.
Mismong si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nag-preside sa sesyon kaninang hapon.
Ayon kay Speaker Romualdez layon ng Kamara na limitahin ang Charter rewriting initiative sa “restrictive” economic provisions na naaayon sa batas sa pag-asang makakuha ang bansa ng mga foreign investments.
“We need additional investments that would create more job and income opportunites for our people. We need increased capital to sustain our economic growth momentum,” pahayag ni Romualdez.
Naniniwala kasi si Romualdez ang pag amyenda sa economic provisions sa saligang batas ang siyang tugon para mapalago ang ekonomiya ng bansa at maging maganda ang investment environment ng bansa.
Bago ang botohan, mayroong post sa social media si House Committee on Constitutional Amendments chairman Rufus Rodriguez, kung saan kanyang binanggit na “historic act” ang botohan.
Kaninang umaga, nagkaroon ng Majority Caucus ang lahat ng partido sa Kamara, na binubuo ng Majority Coalition sa pangunguna ni Speaker Romualdez at iba pang lider ng Kapulungan.
Sa pahayag ni House Majority Leader Mannix Dalipe, hindi bababa sa 300 kongresista ang nagpahayag ng maging co-authors ng Con-Con resolution.
Humirit din kanina ang Makabayan Bloc na ihinto muna ang deliberasyon sa Cha-Cha sa plenaryo, sa gitna ng “transport strike” o tigil-pasada.
Sa ilalim ng RBH no. 6 itinutulak na isagawa ang Con-Con kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 30, 2023.