-- Advertisements --

ILOILO CITY – Maghahain ng resolusyon sa Kamara ang mga mambabatas sa Iloilo upang manawagan ng congressional inquiry kasunod ng malawakang power blackouts sa Western Visayas.

Ang resolusyon ay i-file ni Iloilo City Lone District Rep. Julienne ‘Jamjam’ Baronda kasama ang iba pang kongresista sa lalawigan ng Iloilo bukas, Mayo 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo Second District Rep. Michael Gorriceta, isa sa magiging co-author sa naturang house resolution, sinabi nito na kailangan ang inquiry sa Kongreso upang maipaliwanag ng National Grid Corporation of the Philippines at iba pang kaukulang ahensya ang nangyari noong Huwebes at Byernes.

Inirekomenda rin nito sa grid operator ang imbestigasyon at technical evaluation sa transmission facilities nito at ang pagbigay-agad ng solusyon sa sunod-sunod na power interruptions sa Panay.

Una nang sinabi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na kinokonsidera nitong ideklara ang state of calamity sa lungsod ng Iloilo na regional capital ng Western Visayas dahil sa naturang power crisis.

Ngunit ayon pa sa alkalde, hindi muna itutuloy ang naturang plano matapos na-i-restore na ang full capacity ng power sa lungsod kahapon.

Napag-alamang mula nang mangyari ang power blackout noong Huwebes, fully-booked ang karamihan sa mga hotels, pension houses, at motels sa Iloilo dahil sa hindi matiis na init at maalinsangan na panahon sa loob ng bahay.

Sa kabila ng pagbalik ng power supply, pinangangambahan rin ng mga residente ang posibleng mangyari na rotational power blackouts.