Inilipat ng Sandiganbayan sa Hunyo 21 ang resolution ng demurrer to evidence na inihain ni dating Senate president at kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na humihiling na ibasura ang kaniyang P172 milyong plunder case.
Nakatakda sanang isagawa ngayong Mayo ang resolution ng demurrer ni Enrile subalit kinumpirma ng Sandiganbayan Third Division Clerk of Court Dennis Pulma ang paglilipat nito sa Hunyo 21.
Sakali man na katigan ang demurrer to evidence ni Enrile, ito ay maaabswelto sa kaniyang plunder case at sakali man na ito ay ibasura, ipagpapatuloy ang pagdinig sa kaniyang kaso.
Samantala, una ng ibinasura ng korte ang mosyon para maghain ng demurrer to evidence ng mga kapwa akusado ni Enrile na sina dating chief of staff Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes at negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Matatandaan na nag-ugat ang kanilang kasong plunder at 15 bilang ng graft sa umano’y maling paggamit ng P172-million Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Enrile noong ito ay Senador pa na napunta umano sa non-government organizations na pagmamay-ari ni Napoles.