Matagumpay na na-rescue ng militar sa Sulu ang British national at asawang Pinay mula sa kamay ng kanilang mga kidnappers nitong umaga.
Nailigtas ng mga tropa ang mag-asawa sa boundary ng Barangay Silangkan at Barangay Taha sa Parang, Sulu.
Ayon kay Wesmincom commander Lt Gen. Cirilito Sobejana dahil sa military pressure bunsod sa sunud-sunod na labanan kontra sa mga bandidong Abu Sayyaf group (ASG) kaya nagkaroon ng pagkakataon ang militar na i-rescue ang mag-asawa.
Nilinaw ni Sobejana na walang ransom na ibinayad kapalit sa kalayaan ng mga biktima.
Sa ngayon nasa military detachment na sa Sulu ang mag-asawa.
Ayon pa sa heneral isasailalim muna sila sa medical examination at custodial debriefing bago i turn over sa kanilang kamag anak.
Halos dalawang buwan din nanatili sa kamay ng mga kidnappers ang mag-asawang sina Allan at Wilma Hyron.
Oktubre 4 nang dukutin ng anim na armadong lalaking pinaniniwalaang Abu Sayyaf ang mag-asawa sa Tukuran, Zamboanga del Sur.
May-ari ng resort at Hyron College sa Zamboanga del Sur ang mga biktima.
Sinasabing malaking impact sa effort ng militar ang pagkaka-rescue sa mag-asawa habang malaking setback naman sa teroristang Abu Sayyaf.
Sa ngayon may tatlo pang bihag na hawak ang teroristang grupo sa Sulu na siyang target din ng military rescue operations.