Pinaiimbestigahan na ngayon ng Department of Environment and Natural Resources ang viral resort na itinayo sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.
Kasunod ito ng kumalat na video ng naturang lugar na tila nanghihikayat sa mga turista na dayuhin ang nasabing tourist spot na isa sa mga tinaguriang mapabilang sa 8 wonders of the world, bagay na umani naman ng negatibong reaksyon mula sa publiko at maging sa ilang senador.
Sa inilabas na official statement ng DENR, ibinunyag nito na dati nang nag-isyu ang ahensya ng Temporary Restraining Order sa naturang resort na tinatawag na Captain’s Peak Resort noong Setyembre 6, 2023.
Bukod dito ay naglabas din ng Notice of Violation ang ahensya laban sa naturang project proponent noong Enero 22, 2024 nang dahil sa pag o-operate nang walang Environmental Compliance Certificate.
Dahil dito ay inatasan ngayon ni Regional Executive Director Paquito Melicor si Provincial Environment and Natural Resources Officer Ariel Rica na bumuo ng isang team para magsagawa ng imbestigasyon sa Captain’s Peak upang alamin ang compliance nito sa Temporary Closure Order na ipinataw ng ahensya rito.
Ang Chocolate Hills sa Bohol ay idineklarang protected area noong July 1, 1997 sa ilalim ng Proclamation No. 1037 na inilabas ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Ito ay naglalagay sa Chocolate Hills bilang isang National Geological Monument at isang Protected Landscape na nilalayong mai-preserve ang iconic landscape nito kasabay ng pagpopromote ng sa sustainable tourism habang pinoprotektahan ang biodiversity at environmental integrity ng lugar.