-- Advertisements --
Christine Dacera

Umalma ngayon ang abogado maging ang mga respondent na nadidiin sa pagkamatay ni Christine Dacera kaugnay ng patuloy na pagkalat ng mga impormasyong mayroon daw naganap na foul play sa pagkamatay ng flight attendant. 

Ayon kay Atty. Mike Santiago, abogado ng lima sa 11 respondent sa Dacera slay case, mali umanong ipagpilitan ng kampo ng pamilya ng biktima na mayroong naganap na foul play at hindi rin nila alam kung sino ang source ng ebidensiyang umano’y ginahasa muna ang biktima bago ito namatay.

Sa isyu naman ng lumabas na resulta ng medico legal sa katawan ng biktima, sinabi ni Santiago na mga professionals ang nagsagawa nito at hindi sila basta-basta maglalabas ng ano mang report na walang basehan.

Dacera medico legal report

Paliwanag nito, ang medico legal report ay base sa otopsiya na isinagawa sa katawan ni Dacera.

Hindi raw haka-haka o opinyon lang ang lumabas na resulta dahil bunga ito ng scientific findings ng mga doktor.

Sinabi rin ni Santiago na ayaw nilang makialam sa findings ng investigating prosecutors dahil tiwala raw ang mga itong susuriin nang maayos ng mga prosecutors ang mga ebidensiya para magkaroon ng patas na resolusyon.

Dacera PI

Dahil dito, hiling ng respondent na si Greg de Guzman na irespeto ang resulta ng medico legal dahil nakipaglaban din umano ang mga ito para lamang mapanatag ang ina ni Christine na si Sharon.

Umaasa si de Guzman na ma-realize ng ina ni Christine na hindi lamang siya ang nasasaktan dahil 11 ring ina sa ngayon ang nasasaktan at 11 katao ang naiipit dahil sa insidente.