-- Advertisements --

Nakatakda nang tapusin ang oil spill response efforts sa lalawigan ng Antique matapos ang tatlong buwang monitoring ng Philippine Coast Guard.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Commander Jansen Benjamin, spokesperson ng Philippine Coast Guard Western Visayas, sinabi nitong napipinto na ang endstate ng oil spill cleanup at pinag-araralan na ang final plan sa naturang response.

Isang hamon para sa mga personnel ayon kay Benjamin ay ang pag-transport at pag-dispose ng na-kolektang oily waste at mga debris.

Sinabi rin nito na sa Liwagao Island sa Caluya, Sitio Toong at Sitio Sigayan sa Barangay Semira sa Antique, higit 80 porsiento na ang natapos sa cleanup; habang sa Sitio Sabang sa Barangay Tinogboc naman, 60 porsiento na ang natapos.

Aniya, wala nang panibagong tagas ng langis sa kanilang area of jurisdiction mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro.

Napag-alamang ang Coast Guard ang namumuno sa unified incident team para sa oil spill response sa bansa at naging host din nang bumisita sa mga apektadong lugar ang mga opisyal ng International Oil Pollution Compensation Funds, isang international organization na tumutulong sa Pilipinas kaugnay sa Mindoro oil spill response at sa pag-proseso ng insurance claims.