BAGUIO CITY – Bumiyahe na patungo ng Cantanduanes Island ang Power Restoration Rapid Deployment Task Force mula sa dalawang electric cooperative ng Benguet at Mountain Province.
Isinagawa ang send-off meeting sa response team nitong Biyernes ng umaga mula Benguet Electric Cooperative o BENECO at Mountain Province Electric Cooperative o MOPRECO.
Tugon nila ito sa apela ng National Electrification Administration at Philippine Rural Electric Cooperatives Association na pagbuo ng task force na tutulong sa restoration o pagbabalik sa mga nasirang distribution facilities na tinamaan ng mga bagyong Rolly at Quinta, partikular sa Catanduanes at Camarines.
Umaasa ang dalawang electric cooperative na makakatulong ang ipinadala nilang manpower sa mabilis na pagbabalik ng kuryente sa mga lugar na binayo ng mga nakaraang bagyo.
Binubuo ng 13 na linemen at 2 mga inhinyero mula BENECO at 3 na linemen mula MOPRECO ang response team mula Cordillera.