Humingi ng paumanhin ang isang restaurant sa China matapos maging kontrobersyal ang kanilang bagong patakaran kung saan kinakailangan munang kunin ang timbang ng kanilang mga customers bago payagang pumasok sa pasilidad.
Ito ay parte umano ng kanilang pakikibahagi sa national campaign tungkol sa pagsasayang ng pagkain o food waste.
Kabi-kabilang kritisismo ang hinarap ng beef restaurant na matatagpuan sa central city ng Changsha. Bawat customers kasi ay oobligahin na tumayo sa weighing scale at i-scan ang kanilang data sa isang application upang malaman kung anong pagkain ang pwedeng ihain sa mga ito.
Bago pa man umusbong ang isyu ay hinikayat na ni President Xi Jinping ang buong China na huwag magsayang ng pagkain dahil sa biglaang pagmahal ng presyo ng mga bilihin bunsod na rin ng coronavirus pandemic at naranasang pagbaha noong nakaraang buwan.
Nanawagan naman ang mga regional catering groups na umorder lamang ng pagkain na kaya nilang ubusin.
Makikita naman sa labas ng naturang beef restaurant ang mga katagang “be thrifty and diligent, promote empty plates” at “operate empty plate.”
“Our original intentions were to advocate stopping waste and ordering food in a healthy way. We never forced customers to weigh themselves,” saad naman nito sa isang apology statement.