Naniniwala si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr. na hindi pa rin makatarungan ang ginagawang restoration ng China sa mga corals na sinasabing nasira nito sa gitna ng umano’y aktibidad nito sa West Philippine Sea.
Ayon kay Locsin, hindi rason ang hakbang na ginagawa ng Beijing para malinis ang pangalan nito mula sa ulat na maraming corals na ang nasira sa Scarborough shoal dahil sa pagtangay umano ng mga Chinese sa giant clams ng lugar.
Para sa kaliham malinaw na propaganda ito ng Beijing para hindi sila ang mapagbubuntunan ng sisi.
“I’ve heard military men mention that with admiration; like praising the doctor who shot you for taking out the bullet and patching you up,” ani Locsin.
“(It is a) propaganda lapped up by tree huggers that China is massively restoring the environment they damaged like they are heroes for that.”
Kung maaalala, isang ulat ang nagsiwalat kamakailan hinggil sa reklamo ng ilang mangingisda na may kinalaman sa nabanggit na aktibidad ng Beijing.
Isang report din sa pahayagan sa Hong Kong ang nagsabing nag-install ang China ng protect and recovery facility ng corals sa artificial islands nito.
Sa nauna nitong reaksyon tila binalewala ni Locsin ang kahalagahan ng mga lamang-dagat na sinasabing ninakaw ng China.
“No, you think it is just about clams (kasali coral by the way). It is I who do not think it is only about clams and coral. Criticize the idiot who got all wrought up over the clams. Gusto ko ‘Remember the Alamo!’ as battlecry; others ‘Remember the Clams!'” sa isang Twitter post kamakailan.
Nauna ng inamin ng Malacañang na mas kailangan ngayon ng bansa ng mas agresibong hakbang para maprotektahan ang mga teritoryo nito na sinasabing balak sakupin ng China.