-- Advertisements --

Umapela ang Public Attorney’s Office (PAO) sa ipinatutupad na restriksyon ng pamahalaan para sa mga indibidwal na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.

Ito ay sa gitna ng kasalukuyang pagbabawal sa mga naturang indibidwal sa pampublikong transportasyon at mga establisyimento.

Sinabi ni PAO chief Persida Rueda-Acosta na maituturing aniya na labag sa konstitusyon ang naturang alituntunin dahil may nalalabag umano itong karapatang pantao at discriminatory ito para sa mga hindi pa bakunadong mga indibidwal.

Nakasaad aniya sa Republic Act 11525 na ang programa sa pagbabakuna ay experimental pa lamang at walang liability ang isang kumpanya maging ang Department of Health (DOH) kapag may nangyare sa isang indibidwal na nagpabakuna laban sa COVID-19.

Paliwanag niya, ang mga bakunang itinuturok ngayon laban sa nasabing virus ay pawang para sa emergency used authorization (EUA) pa lamang at wala pa tong certificate of product registration (CPR) na nagpapakita na mayroon ng quality, efficacy, at ligtas ang mga bakunang ito.

Nakasaad din aniya sa nasabing batas na ang mga vaccination cards ay hindi dapat gamiting mandatory requirement sa mga paaralan, trabaho, at mga government transaction.

Dagdag pa ng opisyal, tila naging kongreso na rin aniya ang mga lokal na pamahalaan dahil sa pagkakaiba-iba ng mga ordinansang ipinatutupad ng mga ito.

Sa halip aniya na magpatupad ng iba’t-ibang mga restriksyon na magsisikil sa kalayaan ng mga tao ay kinakailangan aniya na gawin ng mga LGU na kumbinsihin ng maayos ang kanilang mga nasasakupan na hindi pa bakunado na magpabakuna laban sa nasabing virus.

Dapat aniya ay maging pantay-pantay ang pagtingin sa tao dahil hindi porket bakunado ay hindi na tatamaan ng COVID-19.

Wala rin aniyang valid distinction na tanging mga hindi pa nababakunahan ang matatamaan ng nasabing sakit dahilan kung bakit maituturing ito violation.

Samantala, siniguro naman ng PAO chief handa silang tulungan ang sinumang lalapit sa kanila at desidido na maghain ng kaso ukol dito.

Ngayong araw sinimulan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng no vaccination, no ride policy sa buong National Capital Region (NCR) kung saan ay kinakailangan na makapagpakita ng kanilang balidong vaccination card ang mga pasahero bago ito pahintulutan na pasakayin sa mga pampublikong transportasyon.