Nakatakdang ilabas ng Korte Suprema ang mga resulta ng 2024 online Bar examinations bukas, araw ng Biyernes, Disyembre 13.
Ang resulta ng pagsusulit ay ipapaskil sa main building courtyard sa Padre Faura Street sa Ermita, Manila at ia-upload sa official website at official social media accounts ng Korte Suprema.
Gayundin ang livestream links at QR codes ng resulta ng exam sa pamamagitan ng YT at FB ay ibabahagi sa official website at official communication channels ng korte.
Inaabisuhan naman ng korte ang publiko na tanging ang notices at issuances na ilalathala ng kanilang official website at verified social media accounts ang dapat na ikonsiderang totoo at tama ang datos dahil sa sensitibong nature ng impormasyon may kinalaman sa exam results.
Samantala, pagkatapos namang mailabas ang resulta ng pagsusulit, sinabi ni SC Associate Justice Mario V. Lopez, chairperson ng SC’s committee on Bar examinations na iaanunsiyo pagkatapos ang petsa ng oath taking ng mga bagong abogado at ang paglagda ng roll of attorneys.
Matatandaan na kabuuaang 10,483 examinees ang kumuha ng pagsusulit sa unang araw ng 3-day exam na isinagawa noong Setyembre 8 at sinundan noong Setyembre 11 at 15. Idinaos ang pagsusulit sa 13 local testing centers sa iba’t ibang lugar sa bansa.