Bukas nakatakdang ilabas ng PNP Crime Lab ang resulta sa isinagawang confirmatory test sa naarestong adik na police colonel na si Supt. Lito Cabamongan.
Ayon kay PNP Crime Lab, director CSupt Aurelio Trampe na bagaman posible naman dahil may nagnenegatibo sa confirmatory drug test pero mas mataas umano ang posibilidad na magpositibo itong si Cabamongan base sa kanilang karanasan.
Sa inisyal na drug test na isinagawa ay nag positibo si Cabamongan at ng isailalim ito sa neuro psychiatric examination lumabas na mayroong psychosis secondary to substance abuse ang police colonel.
Samantala, ipinauubaya na ng PNP Crime Lab sa IAS ang kasong administratibo na kinakaharap ni Cabamongan.
Hindi naman otomatikong masisibak sa serbisyo si Cabamongan ito ay kahit na nagpositibo sya sa drug test at napatunayang nakakaranas ng psychosis o severe mental disorder matapos ang mga examination na ginawa sa kanya ng PNP crime laboratory.
Ayon kay PNP chief police Director General Ronald dela Rosa, kinakailangang dumaan sa tamang proseso o due process ang kaso ni Cabamongan.
Pero para kay PNP chief dapat hindi na dumaan sa due process at agad na sibakin sa serbisyo.
Inihayag ni Dela Rosa kung makalusot man si Cabamongan sa kasong kriminal hindi siya makakalusot sa kasong administratibo dahil hindi siya papasa sa requirements ng PNP na dapat ay physically at psychologically fit ang isang police officer.