Isusumite na kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong linggo ang resulta ng imbestigasyon ukol sa pagkakasama ni PLt. Col. Jovie Espenido sa drug watchlist.
Matatandaang naka-schedule sana sa Marso 7 ang pagsusumite ng report, matapos na kumpirmahin ni PNP Chief PGen. Archie Gamboa ang pagkakadawit ng mahigit 300 pulis sa kalakaran ng iligal na droga.
Pero sinabi ni Interior Sec. Eduardo Año, hindi natuloy ang pagsusumite makaraang masangkot si Gamboa at pitong iba pang PNP officials sa helicoper crash noong nakaraang linggo.
“Unahin muna natin ‘yung kalagayan ng mga… Siyempre, may kaunting abala affecting this paggawa ng [report],” wika ni Año.
“Within the week siguro maisa-submit,” dagdag nito.
Una nang kinumpirma ng kalihim na kabilang si Espenido sa mga pulis na nasa narco-list.
Tinawag naman ni Espenido na “failure of intelligence” sa panig ng PNP ang pagkakalagay ng kanyang pangalan sa listahan.
Ngunit giit ni Año, ang adjudication process ng PNP ang wastong venue upang linisin ni Espenido ang kanyang pangalan.