Inilabas na ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang resulta ng ginawa nitong digital forensic examination sa mga nakumpiskang gamit ng isang Chinese na naaresto noong buwan ng Mayo sa Makati City.
Ang naturang Chinese, na kinalaunan ay kinilala bilang si Yuhang Liu, ay pinaghihinalang espiya, batay na rin sa mga nakumpiskang laptop, cellphone, military-grade electronic gadgets, at mga baril.
Batay sa report ng naturang police unit, nakuhanan ng libu-libong kahina-hinalang mga larawan at mga video ang mga nakumpiskang electronic gadget ng suspek
Nakitaan din ang mga cellphone nito ng mga kahina-hinalang mga software at applications, database, logs o listahan ng mga tinawagan, at iba pang file documents na nangangailangan ng karagdagang pagsusuri.
Inabot ang naturang police unit ng 40 araw bago matapos ang ginawang digital foreinsic exam dahil na rin umano sa dami ng mga lumabas na impormasyon.
Ayon sa PNP-ACG, sapat na ang mga ito upang sampahan ang Suspek ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nakatakda ring maghain ng hiwalay na reklamong espionage ang pulisya laban sa kanya, dahil pa rin sa mga nakumpiskang ebidensiya.
Noong huling linggo ng Mayo ay unang naaresto si Liu sa Finlandia Street corner Codornico Street sa Barangay San Isidro, Makati City matapos siyang ireklamo ng panunutok ng baril.
Nang magresponde ang pulisya ay nadatnan ito na may dala-dalang baril ngunit walang maipakitang kaukulang lisensiya.
Matapos siyang kapkapan ay nakuhanan siya ng mga antenna system, battery units, solar inverter, radio receiver/transmitter, router, tablet, mobile phones, cash, at mga baril.