Resulta ng imbestigasyon ng COA sa intel at confidential funds ng OVP at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara, pinasusumite na ng Kamara…
Tapos na ang ginawang imbestigasyon ng Commission on Audit sa kinukuwestiyon na intelligence at confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte noong 2022 at confidential funds ng Department of Education nang siya ang kalihim ng Department of Education.
Ito ang iniulat ni COA Chairman Gamaliel Cordova sa Kamara sa budget hearing ng Commission on Audit para sa 2025 na nagkakahalaga ng P13.4 billion.
Sa intepellation ni House Deputy Minority Leader France Castro, sinabi ni Cordova, tumugon na ang OVP at DepEd sa utos na magsumite ng report kung papaano ginamit at ginastos ang intel at confidential funds.
Kabilang sa inimbestigahan ng COA ang P125 million confidential funds ng OVP noong 2022; P150 million confidential funds ng Department of Education at P500 million confidential funds ng OVP noong 2023.
Ayon kay Cordova, binigyan na nila ng kopya ng resulta ng kanilang imbestigasyon ang Office of the President, Senate President at House Speaker.
Sa budget hearing, nag-mosyon si Castro na dahil hindi pwedeng isapubliko ang resulta ng imbestigasyon ng COA, ipapa-subpoena ng Kamara ang mga dokumento at resulta ng COA investigation.
Samantala, nag-request sa House Committee on Appropriations ang tanggapan ni VP Sara na iurong ang petsa ng 2025 budget hearing sa August 27 sa halip na sa Huwebes, August 15 pero walang paliwanag tungkol dito ang OVP.