BAGUIO CITY – Isinumiti na ng pulisya sa Regional Joint Security Coordinating Council ng Cordillera ang resulta ng kanilang imbestigasyon at assessment sa di umano’y pananampal ng isang mayoral bet sa Bangued, Abra sa tatlong municipal employees na supporters din ng kalaban niyang re-electionist.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bangued Election Officer Atty. John Paul Martin, sinabi niya na nakasaad sa report na ‘suspected election-related incident’ ang nasabing kaso.
Aniya, ang resulta ay batay sa nakatakdang parameters ng Philippine National Police sa pagkilala kung ano ang mga ikokonsiderang election-related incidents.
Pinag-aaralan na rin aniya ng regional council ang nasabing report ng pulisya.
Gayunman, sinabi ni Atty. Martin na magsasagawa ng sariling imbestigasyon at assessment ang regional council at anumang resulta ay isusumiti sa Commission on Elections (Comelec) Central Office para sa kaukulang aksiyon.
Samantala, susulatan ni Atty. Martin ang lahat ng mga kandidato sa Bangued, Abra para ipaalala at singilin ang mga ito sa kanilang pagtupad sa mga nakasaad sa maraming mga peace covenants na kanilang pinirmahan bago pa ang kampanya.
Iginiit niya na ilang araw na lamang ang natitira bago ang halalan kayat marapat lamang na gawin din ng mga kandidato ang kanilang responsibilidad.
Una niyang sinulatan ang lahat ng mga barangay officials at government employees para ipaalala ang pagiging non-partisan ng mga ito.