Hinihintay lamang ng Commission on Elections (Comelec) ang official findings ng Senado at ng Office of the Solicitor General (OSG) bago magdesisyon kung sasampahan ng mga election offense cases si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa isang panayam, sinabi kahapon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na kailangan nila ang mga finding ng Senado at ng OSG kung nais nilang itutuloy ang pagsasampa ng mga kriminal na reklamo laban kay Guo.
Ayon kay Garcia, kailangan nila ng matibay na official reports para makabuo ng matibay na kaso laban kay Guo.
Hindi pa kase aniya kinokonsidera na official ang mga nakuhang ebidensya hinggil sa tunay na citizenship nito.
Aniya, nakahanda ang Komisyon na magsampa ng mga kaso ng motu proprio laban kay Guo hangga’t ito ay may katiyakan.
Noong nakaraang Huwebes, sinabi ng National Bureau of Investigation na tumugma ang fingerprints ni Mayor Guo sa fingerprints ni Guo Hua Ping, ang babaeng Chinese na pumasok sa Pilipinas noong siya ay 13 taong gulang pa lamang noong 2003.
Si Mayor Guo ay iniimbestigahan sa Senado para sa mga di-umano’y krimen na ginawa ng Philippine Offshore Gaming Operator hub kung saan siya ay isang incorporator.
Noong Biyernes, sinabi ni Garcia na maaaring magsampa ng election offense case ang Comelec laban kay Guo dahil sa paggawa ng false claims sa kanyang Certificate of Candidacy (COC) nang tumakbo ito bilang alkalde noong 2022 elections.
Sa kanyang COC, idineklara ni Guo ang Tarlac, Tarlac bilang kanyang lugar ng kapanganakan, at na siya ay naninirahan sa Pilipinas sa loob ng 35 taon at dalawang buwan.