KALIBO, Aklan – Inilabas na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang resulta ng kanilang inisyal na imbestigasyon sa diumano’y paglabag sa quarantine protocols ng 28 opisyal at mga tauhan ng BFP-Region 6 kasama ang isang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) matapos na magsagawa ng dispedida party sa isang hotel sa isla ng Boracay noong Hunyo 12-14, 2020.
Ayon kay Supt. Archie Andumang, hepe ng Internal Affairs Service ng BFP at nanguna sa eight-member investigating team, walang anumang dokumento na magpapatunay na may dinaluhan silang komperensiya sa isla noong nabanggit na petsa.
Nakatakdang isumite ang naturang report kay Director Jose Embang Jr., hepe ng BFP at Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.
Ang 28 tauhan kasama si Senior Supt. Roderick Aguto, dating regional director ng BFP-6 ay ni-relieve na rin sa pwesto.
Nauna rito, nilinaw ng Boracay Inter-Agency Task Force na hindi sila imbitado sa pulong na pinangunahan ni Sec. Año noong Hunyo 11.
Ang insidente ay nakaapekto sa Boracay reopening noong Hunyo 16 para sa mga turista na mula sa Western Visayas.
Sa kabilang dako, sa mabuting palad pawang negatibo sa RT-PCR test ang 55 katao na nakasalamuha ng firewoman na infected ng virus kasama ang mga empleyado ng hotel na tinutuluyan sa isla at iba pang mga pasahero at crew ng motorbanca.