-- Advertisements --

Malapit na umanong ilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa iligal na paggamit ng inmate na si Rustico Ygot ng cellphone para sa kanyang transaksiyon ng droga kahit nakapiit ito sa New Bilibid Prison (NBP).

Si Ygot ang inmate na nakakapag-video call sa kasintahan nito sa Cebu para sa transaksiyon nito ng iligal na droga.

Ayon kay Justice Sec. Menarod Guevarra, hinihintay na lamang nila ang resulta ng imbestigasyon para matukoy kung sino ang mga mapapanagot sa naturang kaso.

Tiniyak naman  ng Department of Justice (DoJ) na wala silang sisinuhin na opisyal ng New Bilibid Prison (NBP) kapag napatunayang sangkot ang mga ito sa illegal drug transaction.

Una rito, sinabi ni DoJ Usec. Markk Perete na mayroon nang paunang report na isinumite ang NBI sa DoJ kaugnay ng aktibidad ni Ygot.

Mayroon na rin umanong mga pangalan na tinututukan ang NBI matapos isailalim sa forensic examination ang cellphone ni Ygot na ginagamit nito sa kanyang iligal na transaksiyon.