Isinasapinal na ngayon ng PNP Board of Inquiry (BOI) ang mga reports na nakalap kaugnay sa madugong engkwentro sa Samar.
Sa panayam kay P/Dir. Rolando Felix, head ng PNP BOI team, marami pang kulang na mga detalye ang kanilang hinihintay lalo na ang report mula sa SOCO at Crime Lab.
Inihayag naman ni Felix na sa ngayon, wala naman silang na-encounter na problema, puwera na lamang na maraming indbidwal ang nasangkot sa insidente.
Aniya, sa panig ng PNP nasa higit 30 pulis ang sangkot habang sa panig ng militar ay nasa 16.
Pormal na ring nag-request ang PNP sa pamunuan ng 8th Infantry Division, Philippine Army na i-turnover ang mga armas ng mga sundalo na sangkot sa madugong misencounter para maisailalim ito sa ballistic examination.
Nilinaw naman ni Felix na ang BOI ay nakatutok sa aspeto ng koordinasyon habang ang SITG naman naka-pokus sa mga minor details.
Dagdag pa ni Felix ang kanilang pagpupulong ngayong araw kasama ang BOI team ng AFP ay upang magkaroon sila ng levelling sa mga definitions at doctrines ng sa gayon magkaroon ng kalinawan.