Nakatakda nang ilabas ngayong linggo ang resulta ng imbestigasyon kaugnay sa madugong “misencounter” sa Samar na ikinasawi ng anim na pulis habang siyam ang sugatan.
Ayon kay Police Regional Office-8 spokesperson P/Supt. Gerardo Avengoza sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi nito na ngayong linggo inaasahan na ilabas ng Board of Inquiry (BOI) ang resulta ng imbestigasyon.
Hindi naman batid ni Avengoza kung anong araw ilalabas ang nasabing resulta.
Bukas, Lunes, magkakaroon ng deliberasyon ang BOI ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa ginagawang imbestigasyon.
Samantala, nasa proseso pa sa pagtukoy ngayon ang Board of Inquiry (BOI) ng AFP kung kaninong panig nagmula ang posibleng paglabag sa standard operating procedure (SOP).
Ayon Lt. Gen. Rafael Valencia, chairman ng BOI, dito na nakatutok ang kanilang imbestigasyon.
Posible sa darating na Miyerkules, July 4, inaasahang ilalabas ang report ng BOI.
Ayaw namang pangunahan ni Valencia ang resulta ng imbestigasyon.
Una nang sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na nagkaroon ng problema sa “level coordination” kaya nagresulta sa misencounter ang insidente.