LEGAZPI CITY – Hinihintay na lamang ng Provincial Veterinary Office ng Albay ang resulta ng tests sa mga blood samples na mula sa mga baboy sa Daraga, Albay.
Kabilang sa kinunan ng blood samples ang mga baboy mula sa Barangay Malobago, Alcala, Binitayan, Tagas at Kilicao, upang mabatid kung positibo o negatibo sa African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella, isang linggo aniya ang pinakamatagal na durasyon na aabutin bago malaman ang resulta na posibleng lumabas sa Martes o Miyerkules.
Ipinadala pa kasi ang mga specimens sa Regional Animal Disease Laboratory kan Bureau of Animal Industry (BAI).
On-hold naman ang paglabas ng mga buhay na baboy at karne gayundin ang pork-by products sa limang barangay na nasa loob ng 1-kilometer radius kung saan nakumpirma ang pagpositibo sa ASF ng mga baboy na mula sa Bombon, Camarines Sur.
Nabatid na 15 baboy ang nakapasok sa Daraga mula sa Bombon at apat na lamang ang na-trace ng ahensya na nagpositibo sa ASF.