TUGUEGARAO CITY – Naniniwala ang isang political analyst na ang midterm election ay isang referendum ng nakaupong pangulo ng bansa.
Ayon kay Edwin Monares, ang pagkapanalo ng halos lahat sa administration bets sa Senado ay pagpapatibay ng suporta ng taongbayan kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Maging sa party-list aniya ay mga inindorso ng pangulo ang nananalo at hindi ang mga dati nang namamayagpag tuwing halalan.
Kaugnay nito, binigyan-diin ni Monares na isang insulto ang pagsabing “bobo” sa ilang mga botante dahil sa resulta ng eleksyon.
Paliwanag nito, umiiral ang demokrasya sa bansa at karapatan ng mga Pilipino na iboto ang kanilang nais na ilagay sa puwesto.
Samantala, naniniwala si Monares na hindi naging epektibo ang istratehiya ng Otso Diretso o ang oposisyon kaya “tagilid” sa nagpapatuloy na bilangan ng boto.
Ayon sa kanya, sa halip na puro pambabatikos ang ginawa ng mga nasa oposisyon laban sa mga kandidato ng administrasyon ay dapat na inilatag ng mga ito ang kanilang mga plataporma.
Hindi rin naman daw kailangan ang oposisyon sa Senado, sa halip ay isang fiscalizer.
Idinagdag pa ni Monares na patunay sa resulta ng eleksyon ang pag-unlad ng politika sa bansa dahil marami sa mga polical dynasty o matagal na sa puwesto ang natalo sa mga local positions sa bansa.