BUTUAN CITY – Ikinatuwa ng Task Force Kapihan, ang task force na binuo ng lokal na pamahalaan sa bayan ng Socorro, Surigao del Norte na iimbestigahan na ng Senado ang umano’y kulto na aktibo ngayon sa Sitio Kapihan ng Brgy. Siring sa naturang bayan na inakusahang nang-aabuso sa mga batang kakabaihan na kanilang miyembro.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Task Force Kapihan spokesperson Edelito Sangco na totoo ang expose ni Senadora Risa Hontiveros na ikinatuwa nila matapos na walang nagawa ang task force na binuo ni Mayor Riza Timcang matapos mag-file ng writ of habeas corpus ang mga magulang ng mga batang reklamante kung kaya’t isa sa kanila ay naibalik sa kostudiya ng kanyang mga magulang
Inihayag nitong nagsampa na ng apat na reklamo ang local government unit ng Socorro sa Provincial Prosecutor’s Office nito pang Hunyo kasama ang kanilang Municipal Social Welfare and Development at ang National Bureau of Investigation o NBI laban sa mga lider ng kulto.
Kasama na dito ang kidnapping and serious illegal detention, qualified trafficking paglabag sa Anti-Early Child Marriage Law at Anti-Child Abuse Law.
Dagdag pa ni Sangco, ang founder ng grupo ay si Karren Sanico, isa sa pinakamayamang tao sa bayan ng Socorro kasama ang dati nitong business partner, na isang dating Municipal Circuit Court Judge, nakasama sa narco-list sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Andyan pa ang dating town mayor na naging provincial board member na si Mamerto Galanida.