BACOLOD CITY – Ikinatuwa ng pinuno ng Commission on Human Rights (CHR) Negros Occidental ang rekomendasyon na ginawa ng Senado na dapat imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang personnel kaugnay sa extrajudicial killings sa Negros Island.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Romeo Baldevarona, inihayag nito na welcome development ang nasabing hakbang at inaasahan nito ang buong kooperasyon ng PNP at AFP.
Ayon kay Baldevarona, malaking tulong ang dalawang ahensya upang makapasok ang CHR sa mga lugar na gusto nilang puntahan ngunit umaasa ito na madagdagan ang kanilang pondo at personnel.
Aniya, kulang ang kanilang budget upang matapos ang imbestigasyon sa mga kaso at hindi naman ng mga ito makompleto ang imbestigasyon dahil kulang ang kanilang mga personnel lalo na at nagdoble ang bilang ng mga kaso ng papatay sa probinsya noong 2019.
Umaasa rin ito na masuportahan ang pagpapatayo ng opisina para sa CHR mula sa national, regional, provincial at municipal upang maging mas mabilis ang kanilang pagproseso at pag-imbestiga.
Dagdag pa ni Baldevarona, sana ire-examine at i-enhance ang Witness Protection Program.
Aniya, walang may gustong tumestigo dahil walang katiyakan ang proteksyon at seguridad mula sa gobyerno.
Ayon kay Baldevarona, kailangang gawing prayoridad ng gobyerno ang kapakanan ng mga residente at ang pagprotekta ng kanilang buhay, dignidad at kalayaan.