-- Advertisements --

Naniniwala ang Malacañang na ang pagbaba ng bilang nga mga Pilipinong nagugutom ay bunsod ng political will at matibay na liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa.

Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) sa first quarter ng 2019, lumabas na nasa 9.5 percent na lang ang bilang ng mga Pilipinong nakakaranas ng gutom mula sa 10.5% noong huling quarter ng 2018.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, patunay ang mga data sa survey na epektibo ang mga hakbang ng gobyerno para mapababa ang presyo ng mga pagkain at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan.

Ayon kay Sec. Panelo, kinikilala naman nilang marami pa ring Pilipino ang naghihirap kaya hindi tumitigil si Pangulong Duterte sa pag-aangat ng kalidad ng kanilang mga buhay.

Nariyan na rin aniya ang mga pro-poor social programs ng gobyerno gaya ng libreng tuition sa state colleges and universities, libreng irigasyon para sa mga magsasaka, universal health care para sa mga Pilipino, libreng gamot para sa mga mahihirap, at feeding programs sa mga paaraalan.

Inihayag ni Sec. Panelo na tinaasan din ang suweldo ng mga pulis, bombero, sundalo, mga guro, at dinagdagan din ang pension ng mga senior citizen at war veterans.

Giit nito na marami na ang nagawa ni Pangulong Duterte pero marami pa rin ang aasahan ng mga Pilipino sa kanya sa nalalabing tatlong taon ng kanyang administrasyon.