-- Advertisements --
Trump presscon white house
US President Donald Trump

Nagbanta si US President Donald Trump na mahaba pa ang lalakarin sa resulta ng 2020 election ng kanilang bansa.

Igiit ni Trump sa harap ng mga miyembro ng US media ang dahilan kung bakit nagmamatigas pa rin siya na mag-concede.

Paulit-ulit na binanggit ng 74-anyos na Republican President ang umano’y nangyaring malawakang dayaan sa halalan na kagagawan umano ng kampo ni Joe Biden.

Nauna nang sinabi ni Pres. Trump na handa niyang lisanin ang White House kung mapupunta kay Biden ang electoral college votes.

Ngunit nang tanungin siya ng isang reporter kung magko-concede na ito kapag papabor kay Biden ang boto ng electoral college, biglang nagalit ang Pangulo sabay sabing ayaw na niyang sagutin ang tanong.

Muli na namang sinisi ni Trump ang mga miyembro ng media sa kaniyang nakuhang maliit na boto sa halalan.

US joe biden
Joe Biden

Aniya, kung naging totoo lang daw sana sa pagbalita ang media ay malalaman sana ng mamamayan ng Amerika ang kaniyang mga pagsisikap upang malabanan ang COVID-19.

Umapela rin ang Pangulo na huwag purihan si Biden sa nagawang COVID-19 vaccine ng kanilang bansa dahil siya ang nagsusumikap at nagpupunyagi para makahanap ng bakuna.

Dagdag pa nito, wala raw alam si Biden sa mga vaccine dahil kahit ang swine flu noon at H1N1 ay hindi aniya nahanapan ng lunas noong bise presidente pa ito.

Matapos naman ang kanyang press conference nag-post muli ito sa kanyang Twitter account upang batikusin si Biden at ipagwagwagan muli ang talamak daw na dayaan sa nakalipas na halalan.

“Just saw the vote tabulations. There is NO WAY Biden got 80,000,000 votes!!! This was a 100% RIGGED ELECTION,” ani Trump sa social media. “A total FRAUD. Statehouse Republicans, proud, strong and honest, will never let this travesty stand!” (with report from Bombo Jane Buna)