DAVAO CITY – Inihayag ng ating kababayan na magiging dehado ang demokrasya sa Estados Unidos batay na din sa kasalukuyang resulta ng US Midterm Elections.
Paglalahad ng Bombo International Correspondent sa California, USA na si Vince Dequinan, may iilan pa ring Amerikano na pumapanig kay former US President Donald Trump dahil na rin sa mga batas na ipinapairal ngayon sa ilalim ng pamumuno ng kasalukuyang Pangulo ng bansa na si Joe Biden na hindi sinasang-ayunan ng mga Amerikano dahil din sa Save America mentality na umiikot sa konserbatismo na salungat sa umiiral na konsepto ng demokrasya sa bansa.
Naging halimbawa nito ang ipinapanukalang legalisasyon ng abortion sa iilang estado ng Amerika na bumago sa tinatamasang kalayaan ng mga kababaihan sa Amerika.
Gayunpaman, malaki ang pananalig ni Dequinan na mananaig pa rin ang demokrasya sa bansa dahil nakikita ng karamihan sa mga Amerikano ang pagbabago sa ilalim ng pamumuno ni Biden sa kabila ng napapanahong pandemya.
Samantala, ikinatuwa rin ng immigrante ang iilang mga Filipino Americans na tumatakbo bilang mga representante ng kani-kanilang mga county.
Ipinagmamalaki pa rin ni Dequinan ang mataas na respeto ng mga Amerikano sa mga Pilipino partikular na sa larangan ng healthcare service.
Kasalukuyan nang binibilang ang boto ng bawat estado habang hinihintay naman ang resulta ng Mid Term elections sa Estados Unidos ngayong araw.