Resulta sa imbestigasyon sa kaso ni PNP Chief Albayalde, isusumite na ni Sec Ano sa Malakanyang next week sabay ang shortlist para sa next PNP chief
Sa susunod na Linggo isusumite na ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano ang resulta ng kanilang imbestigasyon hinggil sa kaso ni PNP Chief PGen. Oscar Albayalde na isinasangkot sa isyu ng ninja cops.
Kinumpirma ni Ano na nagsisimula na ang kanilang imbestigasyon.
Sa katunayan, nagkaroon na ng hearing sa kaso ng PNP chief.
Tumanggi si Ano na magkomento hinggil sa isyu na tinatawagan ni Albayalde ang ilang mga opisyal para arborin ang kaniyang mga tauhan.
Sinabi ng kalihim humingi na rin sila ng records sa isinagawang hearing sa senado.
Itinanggi naman ng kalihim na kaniyang pinigilan ang planong pagbibitiw sa pwesto ni Albayalde.
Ayon kay Ano, ang resignation ng isang indibidwal ay boluntaryo at hindi kailangang pigilan.
Samantala, nasa tatlo hanggang limang pangalan ang isusumite ni Sec Año kay Pang. Rodrigo Duterte na siyang pagbabasehan ng Pangulo para pumili ng bagong PNP chief kapalit ni Albayalde na magreretiro na sa serbisyo sa November 8.
Sa October 18 isusumite ni Año ang shortlist Malacañang.
Ayon kay Año, ilan lamang sa kaniyang ikinukonsidera sa pagpili ng bagong PNP Chief ay ang Seniority, Merit at Reputasyon gayundin ang karanasan nito sa field.
Hindi nito pinangalanan ang mga senior police officers na kabilang sa short list.
Sa kabila ng ibinabatong alegasyon laban kay Albayalde, sinabi ni Año na kung pagbabatayan naman ang naging performance nito ay masasabing pasado naman dahil sa matagumpay na anti-drug operations at pagbaba ng antas ng krimen