Malaking tulong umano para sa pagsasakatuparan ng Universal Health Care Act at iba pang programa ng gobyerno ang pagtanggal ng suspensyon sa lotto operation.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, mahalagang matiyak ang pagkukunan ng pondo para sa malalaking proyekto ng gobyerno upang makapagpatuloy ito at higit na marami ang matulungan.
“Nagpapasalamat tayo sa desisyon ng Pangulo na ipagpatuloy na ang operasyon ng lotto. Wala nang panganib na magkaka aberya ang pagsasatupad ng Universal Health Care Act at iba pang mga programa ng gobyerno para sa ating mga kababayan dahil sa kakulangan ng pondo,” wika ni Angara.
Tugon din umano ito para sa kahilingan ng mga lotto operators at outlet workers na nawalan ng trabaho, mula nang ipasara ang gaming operations.
“Hindi na din kailangan mamuroblema pa ang mga operators ng lotto outlets at ang libo libong empleyado nila kung saan nila kukunin ang pang araw araw nila na gastusin dahil sa pansamantalang pagtigil sa kanilang hanapbuhay,” dagdag pa ng senado.
Tiwala naman ang mambabatas na ipagpapatuloy ng Pangulong Rodrigo Duterte ang paghahabol sa mga dawit sa korapsyon sa PCSO.
“We are confident the President will deliver on his vow to crack down on corruption within the PCSO in order to plug the leakages and ensure that all funds are being used for benefit of the Filipino people. Suportado po natin ang Pangulo sa giyera laban sa korapsyon at mga katiwalian sa pamahalaan,” pahabol pa ni Angara.