-- Advertisements --

Nakasalalay pa rin umano kay Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon kung muling bubuhayin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, kakausapin muna raw niya ang Pangulo ukol dito para alamin kung ano ang magiging pasya nito.

Una rito, isinusulong ng nasa 60 mga mambabatas na buksang muli ang pinto ng pamahalaan at bigyang-daan ang peace talks.

Pero kay Lorenzana, para sa kaniyang personal na opinyon at pananaw, hindi raw siya pabor na buhayin itong muli.

Giit ng kalihim, hindi niya raw kasi maintindihan kung ano talaga ang gusto ng komunistang grupo na sa katunayan aniya, ilang dekada nang nakikipag-usap ang pamahalaan sa CPP-NPA ngunit wala namang nangyayari.

“Initially I do not agree to this peace talks but I have to talk to the President first and get his sense kasi marami naman siyang impormasyon sa akin na nanggagaling sa labas,” pahayag ni Lorenzana.

Kinumpirma nito na kanilang isinusulong ang bilateral ceasefire na may mekanismo na makakatiyak na ipapatupad ng magkabilang panig ang tigil-putukan.

Dagdag pa ni Lorenzana, kung sakaling bumalik sa negotiating table ang dalawang panel, ititigil na rin ang labanan.

“Maybe they are trying to salvage themselves because they are now being tagged as terrorists and secondly, a lot of them are surrendering, so they are trying to use as last ploy ang peace talks para matigil ang surrenders and pag tag ng terrorists,” dagdag pa ni Lorenzana.

Wala rin umano siyang nakikitang sinseridad mula sa hanay ng CPP-NPA.