Isasagawa pa rin ng regular hangga’t maaari ang resupply mission at rotation ng mga tropang Pilipino sa BRP Sierra Madre outpost sa Ayungin shoal ayon kay Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro.
Sa ngayon, inaantay pa ng DND ang guidance na magmumula sa National Maritime Council at Department of Foreign Affairs para sa susunod na rotation at resupply (RoRe) mission.
Wala pa aniyang petsa kung kailan ang susunod na RoRe mission subalit naniniwala ang kalihim na batid ng DFA ang magiging susunod na hakbang sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa West Philippine Sea.
Inamin din ni Sec. Teodoro na kailangan ang rotation ng mga tropang nakaistasyon sa BRP Sierra Madre subalit maaaring manatili ang mga ito sa naturang outpost para depensahan ito hangga’t maaari.
Sa palagay din ng Defense chief ang mandato ay pahupain muna ang tensiyon sa ngayon.
Una ng sinabi ni Philippine Navy spokesperson for the WPS Rear Adm. Roy Vincent Trinidad nitong Martes na walang isinagawang resupply mission mula ng mangyari ang marahas na insidente noong Hunyo 17 matapos harangin, hinarass at sinampahan ng China Coast Guard personnel ang inflatable boats ng PH habang nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Nagresulta ito ng pagkasugat ng ilang Navy personnel kabilang na si Seaman FC Jeffrey Facundo na naputulan ng daliri sa insidente, binutasan at sinira din ng mga Chinese na armado noon ng palakol at matutulis na bagay ang inflatable boats maging ang equipments ng panig ng PH, bukod dito ay ninakaw din ng China Coast Guard personnel ang ilang baril ng tropa ng PH.
Kung susumahin isang buwan na ang nakalipas mula ng mangyari ang insidente sa Ayungin, subalit tiniyak naman ng PH Navy official na may sapat na suplay pa ang mga tropang Pilipino na nagbabantay sa BRP Sierra Madre.