Nanindigan ang Pilipinas na hindi mapipigilan ng sangkaterbang mga barko ng China ang isinasagawa nitong resupply mission sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Ito ang binigyang-diin ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar kasunod ng mga ulat na mayroong halos 40 barko ng China ang namataan sa paligid ng Ayungin Shoal.
Pagbibigay-diin ni Aguilar, lehitimo ang mga ginagawang operasyon ng Pilipinas at hindi aniya ito maaaring pigilan ng sinuman.
Isa aniya ito sa pamamaraan upang maipakita ng ating bansa sa buong mundo na ang Pilipinas ang mayroong hurisdiksyon at sovereign rights sa Ayungin Shoal na pagtataguyod na rin sa rules based international order.
Samantala, bukod dito ay iginiit din ni Aguilar ang responsibilidad ng pamahalaan sa mga tropa ng militar na nakadeploy sa BRP Sierra Madre partikular na sa kanilang mga pangangailangan.
Kasabay nito ay nanindigan din siya na nananatiling legal at mapayapa ang ginagawang resupply efforts ng pamahalaan, at magpapatuloy din aniya ang AFP sa supply information nito sa BRP Sierra Madre.