Naging matagumpay ang isinagawang rotation and resupply (RoRe) mission sa mga tropa ng Pilipinas na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal sa West Philippine Sea, nitong Martes, Marso 4.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), walang naengkwentrong untoward incident sa kasagsagan ng resupply mission.
Isinagawa ang routine troop RoRe mission sa pakikipagtulungan sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa video footage na ibinahagi ng AFP, makikita ang paglapit ng civilian patrol vessel ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resource (BFAR) na M/V Lapu-Lapu sa nakaangklang warship ng PH na BRP Sierra Madre.
Dala ng civilian vessel ang mga tropang kapalit ng mga marines at sailors na nakaistasyon sa Philippine Navy ship gayundin ang mga suplay na pagkain at iba pang kailangang suplay.
Samantala, ayon kay AFP public affairs office chief Col. Xerxes Trinidad, na may ilang mga barko ng China ang na-monitor sa paligid ng Ayungin shoal sa kasagsagan ng resupply mission subalit hindi nakialam ang mga ito sa operasyon.
Ito naman na ang ikalimang sunod na RoRe mission ng AFP sa Ayungin shoal simula noong Hulyo 2024.
Kaugnay nito, ayon sa AFP, pinagtitibay ng matagumpay na resupply mission ang hindi natitinag na commitment ng Sandatahang Lakas hindi lamang sa pagsuporta sa mga defender sa WPS kundi para din sa paninindigan sa soberaniya ng Pilipinas at sovereign rights nito para sa henerasyon sa kasalukuyan at sa hinaharap.