Magpapatuloy pa rin ang resupply mission sa West Philippine Sea sa kabila ng napaulat na pag-agaw at pagtapon ng personnel ng China sa food supplies ng mga sundalong Pilipino na nakabantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal sa kasagsagan ng airdrop mission noong Mayo.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) spokesman Nasser Briguera, walang rason para itigil ng pamahalaan ang pagbibigay ng suporta sa WPS dahil ito ay nasa loob ng exclusive economic zone ng ating bansa.
Kaugnay nito, papalawigin pa aniya nila ang kanilang pagbabantay sa international waters na saklaw ng EEZ ng PH.
Sa taon ding ito, sinabi ng BFAR official na naglaan sila ng mahigit P3 billion para sa regulatory at law enforcement programs ng bureau.
Target din ng ahensya na magdagdag ng mga barko sa WPS. Ang tungkulin ng BFAr ay hindi lamang para mag-monitor, magkontrol at magmanman kundi may papel din ito na gawing mahusay ang mga municipal fisherfolk para mangisda sa WPS kung saan binibigyan ang mga ito ng mas malalaking mga bangka para makahuli sa mas malalayong lugar.